Magiging Tatay Ka Na…

magiging tatay ka na

Ilang araw o buwan na lang ba ang hinihintay mo bago ka ma-promote sa panibagong yugto ng buhay mo? Ano’ng nararamdaman mo? Takot? Kaba? Excitement? Simula pa lang ‘yan. Maniwala ka sa akin, sa unang pagkakataon na makita at mahawakan mo ang anak mo, halos hindi mo sya maalisan ng tingin, halos hindi mo mabitiwan. ‘Yun ang nakita ko sa asawa ko at alam kong hindi malayo ang magiging reaksyon mo. Ngayong magiging tatay ka na, dapat iba na rin ang level of maturity mo. Alalahanin mo, magiging responsable ka hindi na lang sa sarili mo kundi pati na rin sa bagong buhay na binuo mo.

 

Magiging tatay ka na, marami kang dapat malaman at matutunan…

 

Hindi madali ang manganak kaya pahalagahan at mahalin mo ang asawa o kapareha mo.

 

Gusto mong malaman kung gaano kahirap? Ikaw ang mag-arrange ng maternity package para sa asawa o kapareha mo. Piliin mo yung lying-in clinic o private hospital na papayagan kang tumabi sa asawa mo habang nagle-labor sya o kaya naman pakiusapan mo ‘yung OB-Gyn na payagang mai-document through video ‘yung cesarean operation nya. Baka ikaw mismo hindi kayanin…

 

Kung hindi kayang manganak nang normal ng asawa mo, ‘wag mong maliitin na magiging madali lang ang panganganak ‘nya through C-section dahil meron namang anesthesia. Maniwala ka sa akin, iba ang pakiramdam na biniyak ‘yung tyan mo at tinahi. Ang general anesthesia sa spine pinadadaan, hindi sa vein sa kamay. Isipin mo na lang kung gaano kasakit ‘yun. Oras na mailabas na ang baby at naipakita, naipahaplos, at naipahalik na sa kanya, sasaksakan naman siya ng pampatulog. Mind you, may mga kaso na hindi na nagigising ang babaeng nanganak…

 

Tapos 1 day after ng operation, pipilitin ‘syang umupo, tumayo, at maglakad. Minsan sa ikalawang gabi pa ‘sya bibigyan ng pain killer. Imagine-in mo kung gaano kasakit na sariwa pa ‘yung sugat mo pakikilusin ka na para lang masigurong nakabalik na sa pwesto ‘yung mga lamang loob mo. Pagkatapos ng operation, iba na ang pakiramdam. Madalas kumirot ‘yung incision lalo na kung malamig ang panahon. Siguro nga mas mahirap ‘yung proseso ng normal delivery pero mas mahirap naman ang post-operation recovery ng CS. Maging considerate ka. Anumang paraan manganganak ang asawa o kapareha mo at kung wala ka sa tabi n’ya habang nasa proseso s’ya, siguruhin mong makikita ka n’ya pagkatapos n’yang mailabas nang maayos ang baby n’yo. Nakakabawas ng sakit at pagod na alam n’yang nandun ka at sabay ninyong iwe-welcome si baby.

 

Narinig mo na ba ‘yung postpartum depression? Kung hindi pa, mag-research ka kasi pagdaraanan n’ya yan.

 

Lahat ng bagong mommy dumaraan dito. ‘Yung iba light depression lang pero ‘yung iba severe talaga. Hindi s’ya nag-iinarte kaya ‘wag kang mainis sa kanya. Dahil ‘yun sa elevated levels ng hormones n’ya at ‘yung overwhelming feeling ng pagiging isang bagong ina. Imbes na mairita ka, unawain mo s’ya. Ngayon n’ya higit na kailangan ‘yun…

 

Gawin mo ang responsibilidad mo nang buong-puso at walang panunumbat.

 

Bilang isang tunay na lalaki at responsableng ama, gagawin mo ang lahat dahil sa pagmamahal. Isang bagong buhay ang magkasama ninyong binuo dito sa mundo at tama lang na siguruhin ninyong magiging maayos ang kalagayan niya. Kung naririnig mo noon sa nanay at tatay mo ‘yung “walang magulang na hindi gagawin ang lahat para sa anak”, ngayon mo mapapatunayan yan. Magiging bukal sa puso mo ang maghanap-buhay, mag-overtime, at magpakapagod para sa pamilya mo kung nauunawaan at tinatanggap mo ang responsibilidad ng isang mabuting magulang. Only men without balls choose to escape from their responsibilities. Got a pair? Piliin mong maging mabuting magulang.

 

Hindi porke’t provider ka eh hindi ka na tutulong sa pag-aalaga ng baby ninyo at sa mga gawaing bahay.

 

May mga lalaking pinagsasawaan ang maging magulang. Nagfo-focus na lang sa pagpo-provide. Let me remind you, hindi iyan ang tanging definition ng role mo bilang ama. ‘Wag mong iasa lahat sa asawa mo. Iparamdam mong hindi s’ya nag-iisa. Iparamdam mong kasama ka n’ya sa lahat ng pagkakataon. Hindi ko sinasabing iwan mo ang trabaho mo, kailangan n’yo ‘yan bilang isa sa financial sources. Pero sana kapag day-off mo o kahit ilang oras man lang pag-uwi mo galing sa trabaho, mag-take over ka naman sa pag-aalaga. Hayaan mo s’yang makapagpahinga nang kaunti lalo na kung full-time housewife siya. Sinasabi ko sa ‘yo, underrated ang housewives. You definitely have no idea how tough their entire day is. Pagod ka sa trabaho pero baka ‘pag nagpalit kayo ng role ng isang buong araw eh sumuko ka. Respect your housewife. Don’t ever compare her to working wives.

 

Umiwas ka sa masamang barkada at mga babaeng makakasira sa pagsasama ninyo.

 

Bumubuo ka na ng sarili mong pamilya kaya dapat by this time, graduate ka na sa linggo-linggong inuman, casual hook-ups, o communication sa ex mo at very close girl friends mo. Never make your wife jealous just to feed your ego. Bury the past. Mag-focus ka sa ngayon, kung paano mo ipaparamdam sa kanya at sa baby ninyo kung gaano mo sila kamahal. Make sure you make them feel special and loved each day. Trade beer pong with the boys for family bonding. Tandaan mo, ang pamilya mo ang mag-aalaga sa ‘yo pag pinahina ka na ng katandaan kaya mag-invest ka ng oras at pagmamahal sa kanila. It is not your duty to please everybody, but it is your responsibility to set good examples to your family lalong lalo na sa anak ninyo. Be the husband and the father that everyone else would like to become.

 

‘Wag na ‘wag mo s’yang ikukumpara sa nanay mo…

 

Ito na siguro ‘yung pinakamasakit na pwede mong gawin sa babaeng mahal mo – ‘yung ikumpara mo ang bawat kilos niya sa kung paano ito gawin ng nanay mo. Pinili mo siyang mahalin at pakasalan dahil naiiba siya sa lahat ng babae. May sarili siyang paraan para alagaan at mahalin ka kaya ‘wag na ‘wag mo siyang ikukumpara sa nanay mo dahil kung mother figure pala ang hanap mo, sana nagmahal ka na lang ng cougar. Tsk! Ang babae minamahal, hindi ginagawang alila – taga-handa ng kailangan mo, taga-luto, taga-linis, taga-laba, taga-plantsa, at kung anu-ano pa tulad ng mga bagay na inaasa mo sa nanay mo. Mag-hire ka ng kasambahay kung pasok sa budget mo para may oras naman siyang magpahinga kasi kung araw-araw siyang mapapagod, baka maubusan na siya ng lakas na mahalin ka…

 

Isa pa, ‘wag na ‘wag mong hahayaan na manghimasok sa buhay may-asawa ninyo ang nanay mo. Nasa bible yan, “Therefore a man shall leave his father and mother and hold fast to his wife, and the two shall become one flesh.” Kung hindi siya gusto ng nanay mo o ng sino man sa kamag-anak mo, mahalin at ipagtanggol mo siya. After all, hindi mo siya kinuha sa maayos na buhay niya sa magulang niya para lang kawawain at sabihan ng kung anu-ano ng angkan mo. ‘Pag hiningi mo ang kamay niya, siguruhin mong hindi mo bibitawan ‘yun at kaya mo siyang dalhin hanggang dulo.

 

Maraming pagkakataon na masasaktan mo siya…

 

At puwedeng ipakita niya sa ‘yo ‘yun o piliin na lang umiyak nang hindi mo alam. Sinasadya mo man o hindi na saktan siya, bago matapos ang araw iparamdam mo na mahal mo siya. Nakakalungkot isipin na madalas, dahil kumportable ka na sa kanya, nakakalimutan mo nang isaalang-alang ‘yung damdamin niya. Magiging tatay ka na… dapat ngayon mas unawain mo siya at mahalin dahil sa huli, kayong dalawa ang maiiwang magkasama at tandaan mo na ang maayos na pamilya ay bunga ng nagmamahalang mag-asawa.

 

Magiging tatay ka na, marami pa sana akong tips sa ‘yo pero alam kong matututunan mo lahat ‘yun along the way.

 

Magiging tatay ka na…

 

‘Yan ang pinakamalaking achievement mo sa buong buhay mo lalo na kung mapapagtagumpayan mong mapagtapos lahat ng magiging anak ninyo. Bilang first-time parent, hindi magiging madali ang lahat. Kapag nalilito ka na sa gagawin mo o nao-overwhelm ka na sa responsibilities mo, magmahal ka lang… Mahalin mo ang iyong mag-ina nang buong puso at magagawa mong tama ang lahat kasi ‘yung pagmamahal na ‘yun ang magiging inspirasyon mo sa bawat oras. 😉

Leave your Comment